Sunday, December 11, 2011

♥♥Pag-ibig♥♥

            Pag-ibig... Ito ay damadaming kakaiba na maaaring isa sa pinaka-nakapagtataka sa buong mundo. Saklaw nito ang lahat ng aspeto sa buhay. Maaari na pagmamahal sa pamilya at kaibigan, mag-asawa, at magkasintahan. Ito ay nararamdaman mula sa mga bagay na nagbibigay ligaya katulad na lamang ng naibigang pag-kain, damit, pelikula, teleserye, laro at iba pa. Kaugnay nito ang emosyon sapagkat maaari na ikaw ay maligaya, nasasaktan, balisa o nalulungkot. Samakatuwid ang pag-ibig ay tumutukoy sa interpersonal na pagmamahal.



      Bakit tayo umiibig? Bakit nararamdaman natin ang bagay na ito? Ito ay kusa nating nararamdaman. Kusa itong tumitibok para sa mga bagay o tao na ating nagugustuhan. Batid natin na walang tiyak na paliwanag bakit tayo nakaramdam nito. Pero ito ang tiyak, isa itong regalo na pinagkaloob ng Maykapal. Gayunpaman, nabuo tayo dahil sa pagmamahalan ng ating mga magulang. Sa madaling sabi, pag-ibig ang bumuo sa atin kaya likas na sa atin ang makaramdam ng pagmamahal.

          Isa sa mga dahilan na nagmamahal tayo ay dahil marami rin ang nagmamahal sa atin. Unang-una, sa espiritwal na aspeto, ang Poong Maykapal na ating sinasamba ang nagbibigay ng pagmamahal na humuhubog sa ating pagkatao. Pangalawa, ang ating pamilya na nagmamahal sa atin unconditionally. Talikuran man tayo ng lahat, pamilya natin ang laging nariyan upang dumamay. Pangatlo, ang ating  mga kaibigan na siyang umaagapay ay karamay sa mga panahong nangangailangan tayo ng tulong. At ang mga taong kasama at nagpapaligaya sa atin katulad ng ating kapitbahay, kaklase, guro at kasintahan.
          Paano ba ang umibig? Sa katunayan walang tiyak na gabay kung paano magmahal. Hindi rin maaaring diktahan ang isang tao upang ibigin ang sinumang hindi niya gusto. Kusa itong nararamdaman at kusa ring yumayabong. Maaari kang magpalimos ng pag-ibig, ngunit hindi mo saklaw ang kakayahan ng iba upang ibigin ka. Minsan, umaaabot sa punto na ang pag-ibig ay labis na sa ating inakala kaya madalas ang dulot nito ay ang pagkawala ng dangal o respeto sa sarili. Hindi maaaring kontrolin ang puso ngunit  kung sa palagay mo ay hindi na tama, sarili mo lamang ang nakakaalam kung paano at kailan hihinto.
         Napakahalaga ng papel na ginampanan ng pag-ibig sa  atin. Ang pagmamahal sa sarili ang tumutulak para gumawa ng mga bagay na ikabubuti para sa sariling kapakanan. Ngunit kinakailangang sapat lamang ito dahil kapag labis na ay maaaring magdulot ng masama. Ang pag-ibig sa pamilya naman ang gabay upang gumawa ng mga bagay na nagpapaligaya sa kanila. Iniiwasan natin na malungkot at mapahiya sila sa halip ginagawa  natin lahat para maipagmalaki nila. Pagmamahal rin sa bayan ang tumutulak sa mga bayani para ipagtanggol ang sariling lahi. Ibinuwis ang sariling buhay para sa bayan. At higit sa lahat ang pagmamahal ng  Diyos sa atin, binuwis niya ng saring  anak para sa kasalanan ng sangkataohan.
       Layunin nito na magkaroon ng pagkakaisa, kapayapaan, kaligayahan, pakikipagkapwa-tao, pagtutulungan, at higit sa lahat, pagmamahalan sa bawat isa. Kaakibat nito ang respeto, pag-unawa at pagpapakumbaba na siyang  nagpapatibay ng pundasyon sa samahan lahat.